Sa araw ng Pasko
Sa araw ng pasko ang lahat ay kaysaya,
May awitan, may tugtugan at walang humpay na sayawan;
Sa sintang tahanan ang bawat pamilya ay lipos ng kasiyahan;
Tila isang piging ang handaan na halos Hindi masumpungan.
Sa araw ng pasko kayrami ng magsisimba,
Tila hindi mahulugang karayom ang sa simbahan ay dumaragsa;
Tangan ang kanilang mga hiling at pasasalamat sa poong lumikha;
Para sa natatanging araw nitong pasko ng ating buhay.
Sa araw ng pasko ang bawat tao sa mundo ay nagkakaisa,
Saan man tayo naroon, o nasan patungo bigay nito ay bagong simula;
Sa lahat ng buhay na ipinagpala sa lilim nitong maningning na mga tala;
Pasko’y tunay at lalaging nananahan sa bawat puso ninuman.
Sa araw ng pasko ang bawat isa ay nagmamahalan,
Tayong lahat ay nagbibigayan at mga samang gawa ay kinalilimutan;
Pagkat sa natatanging araw na ito ng ating buhay;
Ang bagong kabanata nitong simula ang siyang sa ating biniyaya.
Aming hiling na sa araw ng pasko ang lahat ay maging mapayapa,
Taimtim at buong pusong ipagdiwang ang pagsilang ni kristong ating ama;
Kasabay ng malamig na simoy ng hangin na sa atin ay dumadampi;
Tila siyang tanda ng kanyang muling pagsilang sa puso ng bawat isa sa atin.