Mga Inukit ng kapalaran
Ni: Reggie Ibarreta
Dito po sa amin sa bayang ipinagpala,
Ang mga tao’y salat namamatay sa luha;
Hirap at pawis ang siyang sawing kapalaran;
Mamatay ng dilat nakahandusay sa lupa.
Isang dipang langit ang siyang kinamulatan,
Nang mga taong yagit lagalag sa lansangan;
Ni walang matirahan o mauwian man lamang;
Nabubuhay sa hingi’t limos sa lansangan.
Ako ma’y munti’t kapos sa karunungan,
Mga mata ko nama’y tapat sa katotohanan;
Dalita’t tangis ang siyang nasumpungan;
Dito sa bayang ipinagkalulo kay makasalanan.
Ang buhay nga naman ay kayhirap arukin,
Kung ang isang bayan ay sinukob na ng sakim;
Mga musmos na kabataan ang sa hirap ay nasaid;
Sa buhay na palalo’t puno ng hinagpis.
Mga inukit ng kapalaran…
Dinarang sa apoy nitong mundong makasalanan;
Mga musmos na kinaitan ang buhay ng kabataan;
Dito sa lipunang sinukob na ng mga balatkayohan.
Anong tamis ang mabuhay dito sa mundo,
Kung ang tao ay sa tama at hindi sa maling gawa;
Lahat ay pantay-pantay at walang anumang labanan;
At ang mga kabata’y masasayang sumusunod sa buhay
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento