Sabado, Setyembre 1, 2012

Mga Lagalag sa Lansangan


MGA LAGALAG NG LANSANGAN


Animo'y  isang batang nawalay sa magulang
Kababanaagan sa mukha ang lungkot ng pag-iisa
Di man magsabi't magbadya sa mukha maiinuha
Ang lumbay na likha ng isipang may kalituhan.

Sila'y mga lagalag ng lansangan
Maghapong hapo't walang laman ang tiyan
Mga tinakasan ng bait naligaw sa kawalan
Tinuring isang busabos sa lilim ng kalangitan.

Umulan ma't umaraw sakdal walang uuwian
Sakbibi't lumbay sa yayat na katawan inilalatay
Ang parusa ng panahon sa nagdadaang buhay
 kawalan ng pag-asa ang siyang naghahantay.

Pobre't pulubi kung minsan sila'y turingan
Kung minsa'y inulila dahil sa katandaan
Na ang tingin ng iba ay wala ng pakinabang
   kaya ng ito'y naligaw nilimot ng may katuwaan
   
Samantalang ang isa nama'y tunay na pinabayaan
Na ang mga magulang ay duwag sa pananagutan
Takot sa pag-uyam kaya anak ay pinagtabuyan
 Nasa murang edad nasakdal sa kapariwaraan.

At sa huli ay isang habaging biktima
Isang inosenteng pinagsasaa't sinamantalahan
mula sa pook nagtungo sa lungsod na pangarap
Ngunit ng dumating ay naging bayaran ng laman.

Sila'y mga mukha  ng napaligaw sa lansangan
Mga biktima ng lipunang hinasa ng kapalaluan
Isang institusyong hinulma ng kalungkutan
Mga pangungulila ng mga tinakasan ng isipan.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento